(JESSE KABEL)
NGAYON pa lamang ay pinaghahandaan na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at maging ng PBBM team ang inaasahang pagdagsa ng milyon katao na nais masaksihan ang opisyal na panunumpa sa tungkulin ni incoming President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Dahil dito, pinag-aaralan na kung paano made-decongest ang volume ng tao at isa sa mga plano ay magtalaga ng viewing areas sa June 30.
Inihayag ni PNP director for operations Maj. Gen. Valeriano de Leon, may apat na lugar silang sinisilip para gawing viewing sites kabilang ang Philippine Arena at North Luzon Express Terminal sa Bulacan, Mall of Asia (MOA) sa Pasay City at Philippine Sports Center sa Pasig City kung saan titipunin ang mga supporter ni BBM.
Kakailanganin dito ang paglalagay ng mga higanteng VIDI wall o LED television sets upang mapanuod ng publiko ang programa sa panunumpa ni Marcos bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.
Layon aniya nito na mabawasan ang dagsa ng mga tao na magtutungo sa National Museum sa lungsod ng Maynila na pagdarausan ng inagurasyon na bukod sa hindi kaluwagan ay limitado ang papagayang makapunta rito.
Dahil dito ay nakikipag-ugnayan ngayon ang PNP sa mga may-ari ng malalaking LED televisions para sa live streaming ng inauguration.
Ayon kay Police Maj. General Valeriano de Leon, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa kampo ni Marcos para sa paggamit ng Philippine Arena at ilan pang lugar na makaka-accomodate ng malaking bilang ng mga tao.
Una nang sinabi ng PNP na nasa 15,000 PNP personnel at force multipliers ang ipakakalat sa inauguration ni Marcos Jr.
Simultaneous exercise
Kaugnay nito, nagkaroon ng Simultaneous Exercise (SIMEX) ang PNP sa National Museum sa Taft Avenue, Ermita, Manila kahapon ng umaga.
Layon nitong masiguro na handa ang lahat ng unit ng PNP sa banta ng anomang uri ng kaguluhan habang idinaraos ang inagurasyon ni Marcos Jr.
Pinangunahan nina Manila Police District Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, P/Lt. Col. Jonathan Villamor, station commander ng MPD- Ermita Police Station 5, mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit, Explosive and Ordnance Division (EOD), District Mobile Force Battalion (DMFB) na pinamunuan ni P/Col. Julius Anonuevo at iba pang grupo ang SIMEX, bandang 8:30 ng umaga.
Sa Hunyo 30, isasara ang Maria Orosa St. hanggang Lagusnilad sa may Manila City Hall.
Iniutos din ni General Francisco ang “No backpack” at no fly zone maging ng mga drone. (May dagdag na ulat si RENE CRISOSTOMO)
216
