INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na magpapatupad ng security protocol adjustment ang kanilang hanay kasunod ng ikakasang mga kilos-protesta kontra korupsyon sa darating na Nobyembre 30.
Ayon kay acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nais nilang tiyakin ang seguridad sa isasagawang mga kilos-protesta para maiwasang maulit ang nangyaring karahasan sa Lungsod ng Maynila noong Setyembre.
Aniya, maraming mahalagang aral ang natutunan ng PNP sa nangyaring insidente noong Setyembre 21 sa Maynila.
Matatandaan na nagkaroon ng karahasan gaya ng paggamit ng debris at devices laban sa mga pulis.
Makikita aniya sa security deployment sa Nobyembre 30 ang mas malakas at mas maigting na presensya ng PNP.
Daragdagan din ng PNP ang bilang ng mga pulis na ipakakalat kasabay sa mahigpit na utos na magpatupad ng maximum tolerance.
Tiniyak din nito sa publiko na bahagi ng pagsasanay ng pulisya ang pangangasiwa sa ganitong sitwasyon sa legal na paraan.
Iginiit din ni PLt. Gen. Nartatez ang importansya ng pakikipag-ugnayan sa mga grupong makikilahok sa protesta.
Layunin nitong maging mapayapa ang paglalabas ng saloobin ng publiko nang walang kaguluhan at maiwasang malagay sa panganib ang buhay ng ibang tao.
(TOTO NABAJA)
63
