HINDI umano nagbayad ng ransom money ang pamilya ng dinukot na katorse anyos na estudyante ng Manila British School sa Taguig City kapalit ng pagpapalaya rito ng mga hindi pa natutukoy na mga kidnapper, ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Sa pahayag ng pulisya, natagpuan inabandona ang binatilyong Chinese-Malaysian student sa Macapagal Avenue sa Parañaque City Martes ng gabi.
Sinasabing dinala ang bata sa Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City para sa medikal na pagsusuri upang matiyak na nasa mabuti siyang kalagayan matapos ang hindi inaasahang pagdukot sa kanya.
Pinangunahan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Capital Region Police Office (NCRPO), ang ginawang rescue operation sa bata.
Sa mga inilabas na pahayag kahapon, hindi pa umano makumpirma ng PNP kung talagang pinutulan ng daliri ang bata bago tuluyang pinakawalan ng kanyang mga abductor. Hihintayin muna ng mga awtoridad ang ilalabas na medical assessment ng ospital kung saan nagpapagaling ang biktima.
Kaugnay nito, may mga angulong sinisilip ang pulisya hinggil sa motibo ng pagdukot sa banyagang binatilyo, kabilang na ang pagkakadawit umano ng ama nito sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ngayo’y patago ang operasyon makaraang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang total ban sa mga ito.
Bukod dito, dawit din daw ang tatay ng bata sa bigtime e-selling ng iba’t ibang produkto sa online.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng kidnapping at tiniyak na pananagutin sa batas ang sinumang nasa likod nito.
Ayon kay PNP chief Lieutenant General Rommel Marbil, ang pagsagip sa dayuhan biktima ay patunay ng dedikasyon ng pulisya sa pagpapanatili ng kaligtasan ng lahat, Pilipino man o banyaga.
“Patuloy naming paiigtingin ang aming intelligence-gathering at operasyon upang maiwasan ang mga ganitong kahalintulad na insidente. Ang kaligtasan ng bawat residente ang aming pangunahing layunin,” idiniin ng heneral. (JESSE KABEL RUIZ)
