INATASAN ni PNP Chief PGen. Melencio F. Nartatez Jr. ang lahat ng yunit ng Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang intelligence gathering at pagbabantay sa mga pinaghihinalaang ruta ng mga smuggler sa buong bansa.
Pinatutukan ng PNP chief ang mga sentro ng distribusyon, mga daungan at transport terminals kasunod ng pagkakasamsam ng P628 milyong halaga ng smuggled at pekeng produkto noong Hulyo.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga yunit ng pulisya na lumahok sa 2,927 anti-smuggling operations na isinagawa mula Hulyo 1 hanggang 31, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga kontrabando at counterfeit products at pagkakaaresto sa 656 na suspek.
Inatasan din niya ang mga police unit na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling, intellectual property violations at iba pang anyo ng illegal trade, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa gabay ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at economic sabotage.
Ayon kay Nartatez, ipagpapatuloy ng PNP ang intelligence-driven operations at palalakasin ang koordinasyon ng regional at local police units upang hindi makalipat ng operasyon ang mga sindikato sa ibang lugar.
Aniya, malaking dagok ang naidulot ng mga operasyon noong Hulyo sa mga grupong sangkot sa ilegal na kalakalan na nakapipinsala sa mga lehitimong negosyo, nagpapababa sa kita ng pamahalaan, at naglalagay sa panganib sa mga mamimili.
(TOTO NABAJA)
68 