SUPORTADO ng Philippine National Police (PNP) ang ideya na pag-aalok ng pabuya para mapabilis ang pagdakip kay dating AKO-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, matapos ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang law enforcement operations, palakasin ang intelligence coordination, at papanagutin ang mga puganteng may mabibigat na kaso.
Ayon kay acting PNP chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Office of the President kaugnay ng posibilidad ng reward system para kay Co.
Naniniwala si Nartatez na sa pamamagitan ng pabuya, mas lalaki ang tsansang makakuha ng impormasyon na makatutulong sa paghahanap at pagtugis sa dating mambabatas.
Nauugnay si Co sa isyu ng mga kuwestiyonableng flood control projects, kasunod ng naging pagsisiwalat sa Kongreso.
Matatandaan na kamakailan, nag-alok ng P1 milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) para sa makapagtuturo kay Cassandra Ong, na nahaharap sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng POGO hub na Lucky South 99.
Kasunod nito, inaasahang mas paiigtingin ang reward system laban sa mga high-profile fugitives sa bansa.
(TOTO NABAJA)
38
