PNP watchlist pinarerebisa ni Eleazar DRUG SYNDICATES BUHAY NA BUHAY

(JESSE KABEL)

TARGET ng Philippine National Police (PNP) ang mas pinaigting na kampanya kontra droga kaya naman atas ni PNP director general Guillermo Eleazar sa mga hepe ng lokal na pulisya, rebisahin ang kanilang talaan ng mga personalidad na pinaniniwalaang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.

Paniwala ni Eleazar, malaki pa rin ang banta ng mga sindikatong aniya’y patuloy na naghahasik ng salot sa iba’t ibang panig ng bansa. Aniya, patunay nito ay ang sunod-sunod na operasyon, partikular sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan at Cavite kung saan nakasamsam ng humigit kumulang 809 kilo ng droga kasabay ng pag-aresto at pagkamatay ng mga suspek.

“Batay na rin sa kautusan ng ating Pangulong Duterte through our SILG Eduardo Año, inatasan ko na ang lahat ng chief of police na i-update ang kani-kanilang priority targets lalo na ang mga nagbebenta ng iligal na droga sa kani-kanilang lugar,” saad ng heneral.

“The confiscation of more or less 809 kilos of shabu last week is proof that illegal drug syndicates still have a market in the country and that is the reason why we need to further step up our campaign down to the community level, with the distributors or the sellers as the priority targets,” dagdag pa niya.

Anim na big time drug pushers ang namatay kamakailan sa magkakahiwalay na operasyon sa Zambales kung saan nakakuha ng may 500 kilo ng shabu at 181 kilo naman sa Bacoor, Cavite.

Kabilang naman sa mga napatay si Xu Youhua na itinuturing na local contact ng international drugs syndicate sa Pilipinas at si Bashar

Bangon na pangunahing drug distributor sa Metro Manila at karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

“Hindi nagpahinga ang mga sindikato ng droga kahit sa panahon ng pandemya kaya hinihikayat ko din ang ating mga stakeholders at community partners na tulungan kami sa laban na ito,” panawagan ng PNP chief.

“Sa panig ng PNP, we assure our kababayan that we will not tolerate abuses and wrongdoings in our ranks in our aggressive campaign against illegal drugs just like what we have shown in the last five years when hundreds of our personnel were dismissed from the service for illegal drugs involvement,” pagtatapos ni Eleazar.

144

Related posts

Leave a Comment