NAGLAAN ang Philippine Olympic Committee (POC) ng emergency funds para sa posibleng pagbabago sa mga venue ng qualifying events sanhi ng coronavirus disease.
Sinabi ni POC deputy secretary general at Ormoc mayor Richard Gomez, may plane tickets na ang mga atletang sasali sa qualifiers sa ibang bansa, pero dahil sa nasabing virus outbreak, may mga adjustment sa venue na paggaganapan ng qualifiers.
“The Philippine Olympic Committee is also preparing extra funds together with the PSC (Philippine Sports Commission). Meron tayong naka-allot na funds sa ibang country. ‘Yung iba kasi may mga ticket nang nabili. That means gagastos na naman tayo for hotel bookings, for airline tickets,” pahayag ni Gomez sa dzMM.
Target ng Pilipinas na makapagpadala ng 35 hanggang 45 atleta sa Tokyo Olympics.
Sina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo ang unang dalawang Pinoy na nakakuha ng tiket sa Summer Games. Habang si weighlifter Hidilyn Diaz ay ilang puntos na lang ang kailangan para tuluyang makahablot ng slot.
“Kaya lang ang iba nag-change ng venue kasi may mga countries na tumaas ‘yung incident ng virus. In-adjust namin ‘yung fund for those athletes na magka-qualify pa lang pero nalipat ‘yung date at saka ‘yung venue ng qualifying nila. Doon magkakaroon ng adjustment sa funding,” esplika ni Gomez.
Hanggang kahapon ay wala pang inihahayag ang International Olympic Committee (IOC) kung tuloy o hindi ang Tokyo Games.
“Most likely ang final announcement nila will be in May kasi maraming concerns ang tao regarding the coronavirus. In fact, maraming qualifiers ang kinansela all over the world and marami din nagwo-worry kung itutuloy ba ‘yung Olympics. But as of yesterday, sa announcements ng International Olympic Committee, green pa rin ang Olympics sa Tokyo,” dagdag niya.
Kaugnay nito, nagpahayag ang alkalde ng London nang kahandaang saluhin ang hosting ng Olympic Games, sakaling makansela ito sa Japan.
Nitong Huwebes ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng mapasama ang Japan sa travel ban ng Pilipinas.
Ang Japan ay may 186 kaso ng infection at walo ang casualties, kasama ang apat na sakay ng cruise ship na nakadaong sa Yokohama. (VT ROMANO)
192 