POGO MAS LAMANG ANG PERWISYO KAYSA PAKINABANG ‘WAG MANGHINAYANG SA P8B KITA — MARCOS

WALANG dapat panghinayangan ang pamahalaan sa P8B kita mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung ang pagbabasehan ay ang ilegal na perang pumapasok sa bansa.
Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos kung saan wala pa umano sa .29 porsiyento ng ekonomiya ng bansa ang nasabing pera.

“Hindi naman napakikinabangan kasi P8-B lang yan. Wala pang .29% ng ekonomiya natin yan. The financial flow was so minimal,” sabi nito.

“Ang baba ng pakinabang ng Pilipinas, wala pang trabaho na binibigay sa mga Filipino kasi puro Chinese naman ang hina-hire. Eh di naman tayo marunong mag-Mandarin. Ang problema lang natin dito kung tutuusin ang dami-daming problema na dinudulot nyan mula sa prostitution, kidnapping, patayan at may iba pang illegal activities, kasama pa ang higit sa 700 fugitive o pugante sa China andito na sa bansa,” paliwanag pa ni Marcos.

Giit nito, dapat pag-aralang mabuti ng pamahalaan kung sulit talaga ang kita ng gobyerno sa operasyon ng POGO.
Panawagan nito sa Philippine Amusement and Gaming Corporation  (PAGCOR), alamin kung dapat ipagpatuloy pa ang POGO operation kahit kumikita ito ng P8B.

Samantala, taliwas sa tinuran ni Sen. Marcos, sinabi ng Malakanyang na malaki ang tulong ng POGO sa mga proyekto ng pamahalaan.

Inamin ni Presidential spokepserson Salvador Panelo na nagpapasok kasi ng malaking kita sa pamahalaan ang POGO na nagagamit naman sa maraming proyekto ng gobyerno.

Kaya maituturing na maganda aniya kung wala lang mga ilegal na aktibidad na nakakabit dito gaya ng ilang criminal activities kung saan ang nadadawit ay Chinese nationals.

Kung mayroon mang mali ani Sec. Panelo ay may kinalaman na ito sa sistema at napapasukan na ng paglabag na dapat lamang aniyang silipin at sumailalim sa evaluation ang POGO. NOEL ABUEL, CHRISTIAN DALE

161

Related posts

Leave a Comment