PAIIGTINGIN pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang presensiya ng kanilang mga tauhan kaugnay sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ipinag-utos ni NCRPO Director MGen. Vicente Danao Jr. ang pagpapaigting ng police visibility sa mga lansangan upang matiyak na nasusunod pa rin ang mga alituntunin sa paggamit ng mga paputok.
Ito ay kasunod ng utos ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa mga local government unit hinggil sa firecracker ban lalo na sa mga lansangan.
Ayon kay Gen, Danao, sa mga eskinita o maliliit na kalye na kadalasang nakikita ang mga paglabag tuwing sumasalubong ang lahat sa Bagong Taon kung saan may gumagamit pa rin ng mga ilegal o ipinagbabawal na paputok.
Giit ng NCRPO chief, hindi basta-basta maaaring gumamit ng mga paputok o pailaw sa mga eskinita o maliliit na kalye dahil maaari itong magdulot ng pinsala hindi lamang sa mga tao kundi maging sa mga ari-arian at kabahayan.
Kaugnay nito, umaapela si Danao sa mga opisyal ng Barangay na makipagtulungan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan para sa ligtas na pagsalubong sa taong 2022. (JESSE KABEL)
276
