MISTULANG isinalba ng lumalaganap na COVID-19 ang buhay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) matapos ihayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon nito.
Sa kabila ng mga pagbatikos at kontrobersiyang lumutang sa operasyon ng POGO ay wala pang plano ang Malakanyang na tapusin ang pananatili nito sa Pilipinas.
Sa isang panayam, binanggit ni Panelo na sa kanyang pakikipag-usap sa pangulo, sinabi umano nito na kailangan ng pondo ng pamahalaan para tustusan ang mga proyekto ng pamahalaan gaya ng sahod sa mga nurse, guro at iba pa. Gayundin sa mga pangangailangan para matugunan ang COVID-19.
BANKING SANCTIONS
Ibinabala ni Senador Imee Marcos na malaki ang posibilidad na maparusahan ang Pilipinas ng Financial Action Task Force (FATF) sa money laundering activities ng POGO kapag hindi naamyendahan ang Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Sa pahayag, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs na mangyayari ito dahil nasa kalagitnaan na ang Pilipinas ng 12-month observation period na itinakda ng FATF, pandaigdigang organisasyon na nakabase sa Paris, France.
Aniya, malamang mapatawan ng parusa ang Pilipinas at maaaring tawagin muli ang bansa bilang non-cooperative country o high-risk jurisdiction kapag walang pagbabago sa AMLA.
“Pagdating ng Oktubre, dapat may karagdagang ngipin na ang AMLA at baka mabansagan na naman tayong ‘non-cooperative country’ o kaya ‘high-risk jurisdiction,’ gaya nang nangyari noong 2001 bago maisabatas ang AMLA,” ani Marcos.
Nabuhay ang isyung ito sa AMLA kasunod ng ilegal na pagpasok ng bilyon-bilyong pisong laundered money sa nagdaang mga buwan na ginagamit sa pagtatayo ng mga illegal gambling business sa bansa, human trafficking, prostitusyon, illegal drug dealing at para pondohan umano ang mga anti-government at terrorist activities.
Inihayag pa ni Marcos na kapag nabigo ang Pilipinas na makapasa sa FATF at mamarkahang banta sa international financial system, maaaring muling mapatawan ng banking sanctions ang mga remittance ng OFWs at magpapabagal ito sa kanilang kontribusyon sa foreign currency reserves ng bansa.
Maaari rin aniyang magpataw ang mga foreign country ng mas mahigpit at mas mahabang “due diligence check” sa mga kumpanya sa Pilipinas na tiyak na makaaapekto sa maluwag sanang pagnenegosyo sa bansa.
180 