TINIYAK ni Senator JV Ejercito ang suporta sa pagkakaloob ng sapat at tuloy-tuloy na pondo para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines sa gitna ng patuloy na pagbabawas ng budget at lumalalang mga banta sa panlabas na seguridad ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of National Defense at mga attached agencies, nanawagan si Ejercito sa pamahalaan na tiyaking may sapat at tuloy-tuloy na pondong nakalaan para sa AFP modernization upang mapalakas ang depensa ng bansa, lalo na sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Tinukoy din ng senador na sa kabuuang 188 na revised AFP modernization projects, 59 lamang ang natapos dahil sa kakulangan sa pondo na nagdudulot ng pagkaantala sa pagkakaroon ng credible defense capability ng bansa.
Binigyang-diin pa niya na kung nailaan lamang sa modernisasyon ang bilyong pisong nawala sa ghost projects ng flood control sa Bulacan, ay mas mabilis sana ang pag-usad ng programa.
Iginiit pa ni Ejercito na kung walang mga repormang institusyonal, maayos na funding mechanism, at mas pinatibay na defense-industrial strategy, mananatiling mabagal ang pag-abot ng AFP sa layunin nitong modernisasyon sa kabila ng tumitinding mga hamon sa seguridad sa rehiyon.
Hiniling din ng senador sa mga opisyal ng DND na magharap ng konkretong hakbang para matugunan ang funding gap at matiyak ang maagap at epektibong implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng modernization program.
(Dang Samson-Garcia)
