NABABAHALA si Senador Win Gatchalian sa pagbaba ng halos siyam (8.7) na bilyong piso sa pondo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa taong 2022.
Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), mahigit dalawampu’t limang (25.2) bilyong piso ang nakalaan para sa SHS-VP. Kabilang dito ang mahigit labing-isang (11.5) bilyong piso sa ilalim ng ‘Unprogrammed Appropriations,’ kung saan umabot na sa halos limang (4.8) bilyong piso ang nailabas ng DepEd noong Setyembre 2021.
Ngunit sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2022, mahigit labing-anim (16.5) na bilyong piso lamang ang nakalaan sa programa. Tinatayang mababawasan ng mahigit tatlumpu’t tatlong libo (33,883) ang mga benepisyaryo ng programa sa susunod na taon kung hindi magbabago ang panukalang budget.
Target ng programang magkaroon ng 1.38 milyong mga benepisyaryo para sa taong 2022. Halos dalawampu’t limang (24.6) bilyong piso ang kinakailangan dito, o 12.3 bilyong piso kada semestre. Kung magkakaroon ng 24.6 bilyong pisong pondo ang programa, mapopondohan ang ikalawang semestre ng School Year (SY) 2021-2022 at ang unang semestre ng SY 2022-2023.
Kung ang 2021 GAA ang gagamiting batayan, kada voucher ay katumbas ng 17,793 piso.
Sa ilalim ng 2021 budget, may halos anim (5.9) na bilyong piso pa ang nakalaan para sa unang semestre ng SY 2021-2022, ngunit kukulangin pa rin ito ng halos pitong (6.7) bilyong piso. Kung ang kulang na pondong ito ay pupunan gamit ang halos labing-pitong (16.5) bilyong piso para sa taong 2022, mahigit siyam (9.8) na libong piso na lang ang matitira sa programa at hindi na ito sasapat para pondohan ang isang semestre ng SHS-VP.
“Kailangan nating magpadala ng malinaw na mensahe sa ating mga pribadong paaralan dahil nahihirapan sila, at kung babawasan natin ang pondo ng SHS-VP, hindi maganda ang mensaheng matatanggap ng ating mga pribadong paaralan,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DepEd para sa taong 2022.
(ESTONG REYES)
192 