POSIBLENG PAKIKIALAM NG BANYAGA SA MAY POLLS PINANGANGAMBAHAN NG ‘ALYANSA’

NAGLABAS ng mariing pahayag ng pakikiisa sa sambayanang Pilipino ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes sa gitna ng tumitinding pangamba ukol sa posibleng panghihimasok ng dayuhan sa halalan sa Mayo, kasabay ng pagdedeklara na tanging mga Pilipino ang dapat magpasya para sa kinabukasan ng bansa.

“Kaisa ng sambayanang Pilipino ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Tayo lamang ang may karapatang humubog sa ating kinabukasan,” ani Navotas Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Senate slate na suportado ng administrasyon.

Ginawa ang deklarasyon matapos ang pagbubunyag ng matataas na opisyal sa seguridad ng bansa ukol sa umano’y tangkang pag-impluwensiya ng isang dayuhang kapangyarihan sa nalalapit na halalan.

Base na rin sa mga ulat, may pinaplanong mga online disinformation campaign at palihim na pagsuporta sa ilang kandidato, mga hakbang na itinuturing ng marami bilang banta sa pambansang integridad.

Ayon sa Alyansa, na nagpapatakbo ng 11 kandidato sa pagka-senador na pawang sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lubhang nakakaalarma at nakababahala ang mga nasabing ulat at dapat bantayan at harapin nang may paninindigan.

“Lubhang nakakaalarma at nakababahala ang pagbubunyag ng matataas na opisyal sa seguridad ng bansa ukol sa posibleng panghihimasok ng mga banyaga sa nalalapit na halalan,” ani Tiangco.

Binigyang-diin ng Alyansa na hindi maaaring kuwestyunin ang karapatan ng bawat Pilipino na makapamili ng kanilang mga lider nang malaya at walang impluwensiya mula sa labas.

“Hindi maaaring kuwestyunin ang karapatan ng bawat Pilipino na malayang makapamili ng kanilang mga pinuno—nang walang manipulasyon, pananakot, o impluwensiyang dayuhan. Ang anumang tangkang pakikialam sa prosesong ito ay tahasang paglabag sa ating pambansang integridad at dapat kondenahin nang buong tapang at nang walang pag-aalinlangan,” dagdag ni Tiangco.

Sa pagdinig ng Senado na pinangunahan ni Alyansa senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, inilahad ng mga opisyal na umano’y kinontrata ng Chinese Embassy sa Maynila ang isang lokal na kompanya upang magpatakbo ng troll farm na nagkakalat ng propaganda at pumipinsala sa institusyon ng Pilipinas.

Giit ng Alyansa, hindi ito basta isyu ng pulitika kundi isang usapin ng soberanya.

“Hindi ito simpleng usaping politikal. Isa itong usapin ng pambansang seguridad,” anang campaign manager. Nanawagan ang koalisyon sa mga kinauukulan na agad kumilos. “Nananawagan kami sa mga kinauukulan na agad imbestigahan ang mga ulat na ito, papanagutin ang mga may sala, at tiyaking mananatiling sagrado ang ating halalan,” pagtatapos ni Tiangco.

1

Related posts

Leave a Comment