POSPORO, LIGHTER BAWAL NA SA MRT-3

SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero, mahigpit na ipatutupad ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 ang pagbabawal na magdala ng posporo at lighter sa kanilang mga istasyon at maging sa mga bagon ng tren habang bumibiyahe patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Sa kalatas ng MRT-3, alinsunod anila ang naturang reglamento sa direktiba ng Office for Transportation Security na siguruhing istriktong ipinatutupad ang security plan ng transport operators sa bansa matapos ang magkakasunod na pambobomba sa Mindanao.

Ipinatutupad na rin ang masusing pagsusuri ng bagahe, inspeksyon at pagsamsam ng mga ipinagbabawal na kagamitang dala ng mga pasahero at kawani bago makapasok sa loob ng mga estasyon, bukod pa sa walang puknat na pagronda ng K-9 units na mula sa Philippine Coast Guard.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang uri ng armas o ammunition sa loob, gayundin ang patalim o kahit anong matutulis at nakahihiwang bagay; explosives and incendiary substances; flammable o madaling magliyab at nakalalason na mga gas at kemikal; at mga mapanganib na kagamitan at kemikal gaya ng pesticides, muriatic acid, liquid hydrogen, at iba pa.

Hiniling din ng pamunuan sa mga pasahero na kaagad na ipagbigay-alam sa mga security personnel at marshall sakaling may mamataang kahina-hinalang tao o bagay.

Iginiit din ng MRT-3 ang kanilang karapatang huwag nang pasakayin ang mga pasaherong susuway sa ibinabang reglamento. (LILY REYES)

 

208

Related posts

Leave a Comment