ILANG biyahe ng mga passenger vessel ang kinansela nitong Lunes dahil sa patuloy na pagsusungit ng panahon dulot ng Bagyong Tino na pinangangambahang umakyat pa sa Tropical Storm Warning Signal Number 4.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), saklaw nito ang ilang mga pantalan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nitong Lunes ng umaga, kanselado ang mga biyahe ng Starlite Ferries patungong Caticlan, Sibuyan, at Roxas-Culasi, gayundin ang biyahe ng Montenegro Lines papuntang Odiongan, at ang Ocean Jet fastcraft papuntang Calapan.
Tatlong biyahe ng Montenegro Shipping Lines sa Dapitan ang hindi natuloy kabilang ang naka-schedule na alas-8 ng umaga kahapon, alas-2 ng hapon, at alas-8 kagabi.
Ayon kay Eunice Samonte, PPA information officer, maging sa Bohol, Eastern Leyte Samar, Western Leyte, Biliran, at Misamis Oriental Cagayan, ay kanselado rin ang lahat ng mga biyahe kabilang ang mga ruta sa TMO Balingoan at Camiguin.
Sa Palawan, kanselado ang biyahe ng MV Bunso Ferry 2 mula Coron patungong Mindoro, at MV Maria Isabel mula Iloilo patungong Cuyo at Puerto Princesa.
Sa Lucena, wala ring biyahe papuntang Masbate, Romblon, at San Pascual sa Marinduque.
Habang sa Masbate, suspendido ang lahat ng biyahe dahil pa rin sa masamang panahon.
Ayon sa PPA, awtomatikong hindi pinapayagang pumalaot ang mga barko kapag naglabas ng “no sail” policy ang Philippine Coast Guard (PCG).
Maaga pa lamang ay sinuspinde na ng PCG ang sea travel sa ilang areas sanhi ng masamang kondisyon ng dagat dala ng Typhoon Tino na nasa signal number 4 na ngayon sa Surigao Del Norte province.
May 988 passengers, drivers at helpers ang stranded sa 42 puerto sa Eastern Visayas, Central Visayas, Southern Luzon at Mindanao, ayon sa ulat ng PCG.
May 24 sea vessels at 302 rolling cargos ang stranded, habang 161 vessels at 21 motorbancas ang sumisilong sa 42 pantalan.
Sa Eastern Visayas, may 578 individuals, 248 rolling cargoes at dalawang vessels ang stranded, habang sampung sasakyang dagat at siyam na motor bancas ang nakasilong.
Sa Central Visayas, nag-ulat ang PCG ng 323 katao, 54 rolling cargoes, at 19 vessels ang stranded, habang 128 vessels at 12 motorbancas ang nakikisilong sa mga Puerto.
Habang sa Southern Luzon, may naitalang 69 individuals at dalawang sea vessels ang stranded, kasama ang 10 vessels habang sumisilong 18 katao at isang sea vessel ang stranded, at 13 sasakyang dagat ang nakikisilong sa mga pantalan sa Mindanao.
(JESSE RUIZ)
100
