IMINUNGKAHI ng pamunuan ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC) sa gobyerno at publiko na ihiwalay ang mga ginamit na Personal Protective Equipment (PPE), gloves at face masks mula sa kanilang mga residual wastes o basurahan.
Ito ang panawagan ng MCWMC, isang world class sanitary landfill sa bansa na nakabase sa Capas, Tarlac at siyang tumatanggap ng mga garbage collection mula sa mahigit 100 lungsod at munisipalidad sa Gitnang Luzon.
Ayon kay Victor Hontiveros, MCWMC Vice President for Administration, isang paraan aniya ito upang makaiwas sa banta ng COVID-19 ang kanilang mga frontliner garbage collectors na araw-araw naka-expose ang seguridad ng kalusugan sa nakamamatay na virus.
Sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng COVID-19 ay hindi alintana ng mga kawani ng MCWMC partikular na ang mga garbage collector ang banta sa kanilang kalusugan sa halip ay patuloy ang kanilang operasyon sa buong Central Luzon kabilang ang Freeport at mga katabing komunidad nito.
“The same is true for our employees as well, kaya bilib din ako sa kanila dahil it is in their heart. They want to get these communities clean dahil galing rin sila sa mga communities na ito,” ani Hontiveros.
Ang mga kolektor ng basura, na itinuturing na kabilang sa mga frontliner laban sa COVID-19 ay patuloy sa kanilang pangako kahit sa panahon ng krisis para magbigay ng mga serbisyo upang matiyak na ang mga komunidad ay mapanatiling malinis at maayos, ayon kay Hontiveros.
“We ask them (the public) to separate the PPEs or yung mga masks at gloves from their residual wastes. We encourage them to have it on a separate bag, kung maaari din basain nila ng chlorox or disinfectant and seal them properly para na rin sa protection ng lahat,” aniya pa. ELOISA SILVERIO
353 