PRANGKISA NG ABS-CBN, 10-ARAW NA LANG

SAMPUNG (10) araw mula bukas ay mapapaso na nang tuluyan ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ito ang tila paalala ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya nanawagan ito na isalang agad sa pagdinig ng House franchise committee ang prangkisa ng nasabing TV network pagbalik ng Kongreso sa kanilang trabaho sa Mayo 4.

“The franchise of ABS-CBN will expire on May 4, and I submit that it is prudent that a hearing of the legislative franchise committee be called on the same day to expedite its resolution, especially now during the time of the CoViD pandemic,” ani Zarate.

Nangangamba ang mambabatas na tuluyang mawala sa ere ang ABS-CBN pagdating ng Mayo 5, kapag hindi agad inaprubahan ang renewal ng prangkisa ng nasabing tv network.

Magugunita na nagsagawa ng pagdinig ang nasabing komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa renewal ng kanilang prangkisa bago nagbakasyon ang Kongreso noong Marso 10 subalit dahil sa bakasyon na kinabukasan, Marso 11, ay hindi ito naaprubahan ng Kapulungan.

Sa halip ay binuksan ni Alvarez ang kanyang komite para magsumite ang mga kontra at pabor ng kanilang position paper sa prangkisa ng nasabing TV network ng pamilyang Lopez.

Ayon kay Zarate, kapag tuluyang nagsara ang ABS-CBN ay maaapektuhan aniya ang 11,000 manggagawa ng nasabing TV network na dagdag sa mga mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

“If the ABS-CBN franchise is not approved the soonest time possible, what is at stake here also is the fate of not just the more than 11,000 employees who would be out of work but also their dependents or family members who would also be terribly affected by their lost of jobs,” ayon sa mambabatas.

Unang sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na kailangan ang batas para makapagpatuloy sa kanilang serbisyo ang ABS-CBN dahil hindi umano ubra na provisional authority lamang ang ibibigay sa TV network tulad ng mungkahi ng iba’t ibang grupo habang inaantay ang kanilang prangkisa. BERNARD TAGUINOD

157

Related posts

Leave a Comment