MULING tinapyasan ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng iba’t ibang uri ng bigas na ipinagbibili sa Rice-for-All (RFA) ng KADIWA ng Pangulo at maging ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na simula ngayong Miyerkoles, ang presyo ng bigas sa ilalim ng RFA ay tatapyasin, sumasalamin sa “both a drop in global rice prices and an increase in domestic supply as the local harvest season gets underway.”
Winika ni Tiu Laurel na ang RFA prices ay maaaring bumaba ng P3 kada kilo.
Dahil dito, mula sa nasabing petsa, Pebrero 12, ang RFA5 rice ay magiging P43 kada kilo, RFA25 ay P35, at RFA100 ay P33.
Sa kasalukuyan, ang RFA5—sumasaklaw sa mga bigas na may hindi hihigit sa 5% broken grains—mabibili sa halagang P45 per kilo, RFA25 (25% broken) ay P38 isang kilo, at RFA100 (100% broken) sa halagang P36 kada kilo.
Sinabi ni Tiu Laurel na magpapatuloy ang KADIWA ng Pangulo program na magbigay ng bigas sa halagang P29 per kilo para sa mga vulnerable groups gaya ng senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at indibidwal mula sa indigent sectors.
Muli namang tiniyak ni Tiu Laurel sa mga lokal na magsasaka na ang National Food Authority (NFA) ay bibili ng palay mula sa local farms sa presyong P21–P23 per kilo, pagtiyak na patas ng kompensasyon para sa kanilang ani.
Sinabi nito na ang NFA ay may sapat na pondo para suportahan ang mga magsasaka at panindigan ang mandato nitong rice buffer stock, ngayon ay katumbas ng 15 araw ng ‘national consumption’ sa ilalim ng binagong Rice Tariffication Law.
At upang mas maging matatag ang rice market, sinabi ni Tiu Laurel na ang MSRP para sa imported na bigas at ang saklaw nito na pinalawak sa buong bansa.
Simula sa Pebrero 15, ang MSRP ay ibababa sa P52 per kilo mula sa P55 kada kilo, at mas mababawasan pa hanggang sa maging P49 sa Marso 1. (CHRISTIAN DALE)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)