PRIMEWATER HAHATULAN NA SA KAPALPAKAN

NAGSUMITE na ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ng report nito sa Office of the President (OP) hinggil sa imbestigasyon sa operasyon ng water service na ipinagkakaloob ng PrimeWater.

Sa katunayan, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na may isang folder at dalawang balikbayan boxes ang dokumentong isinumite sa OP.

”Opo. Nakatanggap na rin po tayo siguro nakalimutan ko lang pong dalhin, ipapakita ko po sana sa inyo isang folder po siya ang report at dalawang boxes ng balikbayan boxes – ganoon karami,” ang sinabi ni Castro.

”So, nabigyan po tayo ng kopya kahapon at nabigyan na rin po ang Office of the President at ito po ay aaralin. Asahan ninyo po na mabilisan pong aaralin ito para sa mga consumers po ng PrimeWater,” dagdag na wika nito.

“If needed, legal actions will be undertaken once the OP finishes studying LWUA’s report,” ayon kay Castro.

Sa ulat, ipinag-utos ng Pangulo ang imbestigasyon sa operasyon ng PrimeWater Infrastructure Corp. dahil sa ilang reklamo ukol sa serbisyo nito.

Sinabi ni Castro na hindi kukunsintihin ng administrasyong Marcos ang ‘insufficiency of services’ ng PrimeWater.

Binigyang-diin ni Castro na dapat lamang na tinutugunan ang pangangailangan ng publiko.

Para naman sa PrimeWater, nangako ito na magiging bukas sa anomang makabuluhang dayalogo na lulutas sa alalahanin habang pinanindigan na committed ito na makipagtulungan sa LWUA.

(CHRISTIAN DALE)

18

Related posts

Leave a Comment