NILAGLAG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isang grupo ng kanyang mga tagasuporta na nagsusulong ng revolutionary government matapos sabihing wala siyang pahintulot sa pagkilos ng
mga ito.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na wala siyang kamay sa panawagang ito ng kanyang mga diumano’y supporters.
“Marami ngayon, may naglalabas na revolutionary government tapos ako ang sinasabi na… Wala akong pakialam diyan, wala akong kilala na mga tao na ‘yan at hindi ko ‘yan trabaho,” diing pahayag ni Pangulong Duterte.
Nauna rito, sa ulat ay sinabi ng Malakanyang na walang nakuhang suporta sa kanila ang isinusulong na revolutionary government ng isang pro-Duterte group.
Inulit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakatutok si Pangulong Duterte sa COVID-19 response at nais nitong matapos ang kanyang termino.
Tiniyak din ni Roque na isasalin ni Duterte ang gobyerno sa kung sino ang mananalong pangulo sa 2022.
Wala rin aniyang balak si Duterte na manungkulan pagkatapos ng kanyang termino.
Aniya, si Duterte ay pinuno ng constitutional government at hindi kailangan ng revolutionary government ngayon.
Bagaman at nabanggit dati ni Duterte ang revolutionary government pero nagbago na umano ang kanyang prayoridad.
Wala ring balak ang Malakanyang na isulong ang pagsasampa ng kaso laban sa grupo dahil bahagi ito ng malayang pamamahayag.
Ayon kay Roque, hindi rin delikado o wala ang tinatawag na “clear and present danger” para supilin ang isinusulong na revgov.
Nauna rito, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na bukod sa maituturing na isang “joke” ang isinusulong na revolutionary government, mayroon din itong criminal liabilities.
Maging si Sen. Joel Villanueva ay naniniwala na puwedeng maharap sa “inciting to sedition” sa ilalim ng Revised Penal Code ang nagpalutang ng revolutionary government. (CHRISTIAN DALE)
143
