PROBE IKINASA SA NASUNOG NA ARMY AMMO COMPLEX

“TINIYAK namin ang transparency sa imbestigasyon upang maiwasan ang mga katulad na mapanganib at magastos na insidente na mangyari sa hinaharap.”

Ito ang naging pahayag ni Philippine Army  chief, Lt. General Romeo Brawner Jr., matapos na personal niyang suriin  ang lawak ng pinsala at at kabuuang estado ng Army 4th Infantry Division kasunod ng nangyaring sunog sa kanilang ammunitions complex sa Camp Edilberto Evangelista, Patag, Cagayan de Oro noong Martes ng madaling araw.

Bagaman’t nalulungkot si Lt. Gen Brawner sa panyayari, pinapurihan ng Army Commanding General ang 4th Infantry “Diamond” Division (4ID) troopers sa kanilang agarang pagresponde na nagligtas ng mga buhay at nakaiwas sa karagdagang pinsala sa mga ari-arian sa sunog  na nangyari sa Camp Edilberto Evangelista.

Kaugnay nito, inihayag ni Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad, magsasagawa ng internal investigation ang Hukbong Katihan para matukoy ang eksaktong dahilan ng sunog na nangyari sa isang gusali sa ammunition complex ng 10th Forward Service Support Unit, Army Support Command sa 4th Infantry Division headquarters.

Ang gusali ay naglalaman ng 155mm howitzer round at iba’t ibang maliliit na bala ng armas.

“Ang Army ay maglulunsad ng panloob na pagsisiyasat na naglalayong pigilan ang mga katulad na insidente,” ayon sa mensaheng ipinarating sa media kahapon.

Gayunman, sinabi ni Trinidad na makikipagtulungan ang PA sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa kanilang imbestigasyon sa insidente.

“Sinabi ng mga eksperto sa explosive ordnance ng Army na ang ‘cool-off period’ ay obserbahan bago maglunsad ng pormal na pagsisiyasat sa insidente upang maiwasan ang mga panganib ng natitirang sunog o pagsabog,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Trinidad na ang pamunuan ng PA ay magbibigay ng tulong sa mga lumikas na pamilya at mga sugatang sibilyan na tinatayang nasa 49 na pamilya, na may bilang na 233 indibidwal, na nakatira malapit sa ammunition complex na  pansamantalang nakasilong sa 4th Infantry Division gymnasium sa Barangay Patag covered court.

“Pinupuri rin ng AFP ang mga opisyal ng Brgy. Patag at ang Cagayan de Oro City Social Welfare Development Office (CSWDO) sa agarang psycho-social intervention at stress debriefing na ibinibigay sa mga apektadong indibidwal,” ayon kay AFP acting spokesperson Col. Medel Aguilar.

Walang nasugatan na tropa sa insidente ngunit dinala ang tatlong sibilyan sa Camp Evangelista Station Hospital para gamutin ang minor injuries. (JESSE KABEL)

239

Related posts

Leave a Comment