(NI ABBY MENDOZA/JEDI PIA REYES)
APAT na residente ang iniulat na nasawi sa magnitude 6.9 na lindol sa Matanao, Davao del Sur, Linggo ng hapon.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection (BFP) Director for Operations Chief Superintendent Samuel Tadeo na may inilunsad nang rescue operation para sa mga naipit pang biktima nang gumuho ang isang supermarket sa Padada, Davao del Sur.
“Mayroon po tayong ongoing rescue operations sa three-storey na collapsed structure, yung [Padada] Southern Trade na grocery store. Mayroon na pong tatlong patay,” ani Tadeo.
Sinabi naman ni Matanao Mayor Vincent Fernandez na mayroong anim na taong gulang ang namatay sa lindol sa kanilang lugar.
Nauna rito, niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang Davao del Sur na naka-apekto sa ilang lugar sa Mindanao.
Ang panibagong malakas na lindol ay dalawang buwan ang pagitan matapos ang killer quake noong Oktubre sa Mindanao kung saan 23 katao ang nasawi.
Ang magnitude-6.5 earthquake ay naganap noong October 31, habang 6.6 magnitude noong Oktubre 28.
Ayon sa Phivolcs ang sentro ng 6.9 magnitude na lindol na naramdaman alas 2:11 ng hapon ay sa Matanao,Davao del Sur.
Sa lakas ng lindol ay Intensity VII ang naramdaman sa Matanao at Magsaysay sa Davao del Sur.
Intensity VI sa Kidapawan City; General Santos City; Bansalan, Davao del Sur; Alabel at Malapatan, Sarangani; at Koronadal City.
Intensity V sa Tulunan at Matalam, Cotabato; Cotabato City; Davao City; at Glan, Saranggani.
Nasa Intensity III ay naitala sa Kalilangan, Talakag at Dangcagan sa Bukidnon.
Habang Intensity l naman Impasugong, Bukidnon; Cagayan de Oro City, Dipolog City at Zamboanga del Sur.
Tectonic ang pinagmulan ng lindol at makapagtata ng aftershocks sa mga susunod na oras.
Inaalam pa ng Phivolcs ang naging lawak ng pinsala ng lndol gayundin kung may kinalaman ito sa dalawang malakas na lindol kamakailan.
187