9 CAVITE POLICE SINIBAK SA VIRAL NA ANTI-DRUG OPS

CAVITE – Siyam na miyembro ng Cavite Police ang sinibak sa kanilang pwesto habang isinasailalim sa imbestigasyon matapos mag-viral sa social media ang hinggil sa isang police operation na may caption na “Bahay ng isang retiradong professora, niransak, ninakawan ng 8 pulis Imus” na may petsang Agosto 7.

Nabatid na agad ipinag-utos ni Police Lt. Colonel Michael Batoctoy, Acting Chief of Police ng Imus City Police Station, na magpaliwanag hinggil sa insidente si SDEU Team Leader/Deputy Chief of Police Major Alexis Tuazon at walong mga tauhan nito.

Ipinag-utos din ni Batoctoy ang agarang pagsibak sa mga pulis sa kanilang pwesto upang hindi maimpluwensyahan ang isinagawang imbestigasyon.

Nag-ugat ang pagkakasibak sa police operatives sa isang insidente ng pagsasagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Imus City Police, sa Brgy. Alapan 1-A, Imus City, dakong alas-8:10 ng gabi noong Agosto 3, kung saan inaresto ang isang street value individual (SLI) at kasamahan nito.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P136,000.

Agad ding ipinag-utos ni Police Colonel Christopher F. Olazo, Provincial Director Cavite Police Provincial Police Office (PPO) ang re-assignment sa mga pulis sa Provincial Administrative and Resource Management Unit (PHAS), at pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa mga ito. (SIGFRED ADSUARA)

198

Related posts

Leave a Comment