ASF UMABOT NASA BENGUET, KALINGA *900 BABOY SA FARM SA BULACAN PINATAY

BULACAN – Umabot sa 900 baboy ang sumasailalim sa ‘culling procedure’ matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) sa isang farm sa bayan ng Norzagaray sa lalawigang ito, nitong Sabado.

Ang nasabing mga alagang baboy ay matatagpuan sa Eco Agri Farm sa Barangay FVR kung saan dito rin inilibing ang naturang hayop.

Ayon kay Agapito Pascual, ang municipal agriculturist ng Pamahalaang Bayan Norzagaray, pagkukuryente ang kanilang paraan nang pagpatay sa mga baboy sa loob ng compound mismo ng nasabing farm.

Dumaan din sa tamang protocol and procedures ang pagpatay sa mga baboy na matapos ang isinagawang ‘culling’ ay dinis-infect ang buong farm para makontrol ang virus.

Ayon kay Pascual, apat na backyard raiser na sakop ng 1km radius, ang sasailalim din sa tatlong serye ng pagsusuri bilang bahagi ng protocol.

Sinabi naman ni Dennis Arceo, staff ng Municipal office, nagpadala agad si Norzagaray Mayor Fred Germar ng grupo para inspeksyunin ang mga babuyan sa nasabing lugar.

Katuwang ng lokal na pamahalaang ng Norzagaray ang provincial government na nagsagawa na rin ng blood testing kasabay ng preventive measures na isasagawa rito.

Samantala, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na may insidente na ng African Swine Fever (ASF) sa mga lalawigan ng Kalinga at Benguet.

Kaugnay nito, sinabi ni DA Secretary William Dar, nakipag-ugnayan na sila sa Local Government Units (LGUs) ng nasabing mga lalawigan upang makontrol ang paglala ng ASF.

Sa report kay DA Sec. Dar mula kay Department of Agriculture Cordillera Administrative Region (DA-CAR) Director Cameron Odsey, sinabi niyang kabilang sa mga apektado ng ASF ang mga bayan ng Tanudan, Bulanao at Tabuk, lahat pawang ng Kalinga.

Habang ang mga lugar na sakop ng Benguet ay ang Beckel, La Trinidad at Camp 1 at Tuba.

Batay sa nakuhang blood samples mula sa mga baboy sa limang areas na ipinadala sa DA’s Bureau of Animal Industry (BAI) at regional animal disease diagnosis and reference laboratries, ay nabatid na positibo ang mga ito sa ASF. (ELOISA SILVERIO/JOEL AMONGO)

 

228

Related posts

Leave a Comment