(NI JG TUMBADO)
NAGLUNSAD ng malawakang pagtugis ang Davao Del Norte Police laban sa isang Chief Executive Officer (CEO) at sa isa nitong tauhan na umanoy nagbulsa ng P200 milyon ng kanilang mamumuhunan.
Pinaniniwalaang nagtatago ngayon sa isang lugar sa bahagi ng Metro Manila ang suspek na si Kenneth Naz Nagaz, CEO, at Rogie Sabando, operations manager ng QuestLink Digital Marketing Services na nakabase sa Davao Del Norte.
Ayon kay Police Captain Anjanette Tirador, tagapagsalita ng Davao Del Norte Provincial Police Office (DDNPPO), humingi na ng tulong sa pulisya ang ilang investors at ahente ng kompanya para sa ikadarakip ng dalawang opisyal na tumakas bitbit ang daang milyong pisong investment money.
Nabatid na halos nasa 100 mga investors na naglaan ng kabuuang P209 milyon bilang kani-kanilang puhunan sa dalawa sa pangakong maibabalik ng 500 porsyento na return of investment sa loob lamang umano ng 15 araw.
Sinasabing nag-umpisa ang operasyon ng QuestLink Digital Marketing sa Tagum City noong June 1 kung saan naibigay ang investments noong June 4 at nitong araw ng Linggo.
Subalit nagduda na umano ang mga biktimang mamumuhunan sa hindi na pagtugon ng dalawa sa kanilang mga text at tawag kung kaya’t nagsumplong na ang mga ito sa kinauukulan.
Sa follow-up operation na ng pulisya napag-alamang walang anumang address o opisina ang QuestLink sa Davao at pinaniniwalaan na isa itong malaking investment scam.
138