LAGUNA – Arestado ang isang high value individual (HVI) na miyembro umano ng Peña drug group, sa buy-bust operation sa Biñan City sa lalawigang ito, noong Sabado.
Ayon sa ulat ni Laguna Police Provincial Director, P/Col. Serafin Petalio II kay CALABARZON Regional Director P/BGen. Felipe Natividad, kinilala ang suspek na si Nilson Cinco Basalo, 36, vendor at residente sa Lot 4, Blk. 9, Citation Residences, Brgy. Sto. Tomas, Biñan City.
Napag-alaman, nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakumpiskahan ng P7,000 halaga ng shabu.
Nakumpiska rin sa suspek ang itim na Hyundai Accent model 2012 (UQW 607) na ginagamit umano sa pagde-deliver ng ilegal na droga. (CYRILL QUILO)
