(NI JESSE KABEL)
DEAD on the spot ang dating taga pagsalita ng Bayan Muna-Camarines Sur nang pagbabarilin ito nitong Lunes ng umaga ng mga suspek lulan ng isang pickup truck.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Camarines Sur PNP, lulan ng kanyang motorsiklo ang biktimang si Nepthali Morada nang dikitan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang pickup truck.
Inabot ng dagliang kamatayan ang biktima nang pagbabarilin habang binabagtas ang national highway sa bisinidad ng Sona 4, Barangay San Isidro.
Ayon sa Bayan Muna, nagsilbing , tagapagsalita ng Bayan Muna-Camarines Sur si Morada mula taong 2000.
Anim na basyo ng M16 rifle ang nakuha ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala , sinasabing may testigong nakakita sa plate number ng isang pickup truck na itinuturong ginamit ng mga suspek sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Magugunitang nitong nakalipas na Sabado ay dalawang human rights workers din ang sinasabing biktima ng extra judicial killing.
Pinatay sina Ryan Hubilla, 22, at Nelly Bagasala, 60, miyembro ng Sorsogon People’s Organization at kapwa rin Karapatan-Sorsogon staff members.
Sina Hubilla at Bagasala ay binaril sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City, Sorsogon . Ang dalawa ay parehong aktibong tumutulong sa mga kasong may kaugnayan sa human rights violations at umaayuda rin sa mga political prisoners sa lalawigan.
313