KASO NG DENGUE SA DAVAO REGION TUMAAS

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY- Nag-abiso na ang Department of Health (DoH) sa Davao region na maging malinis sa paligid matapos maitala ang mataas na kaso ng dengue sa nakaraang buwan ng Hulyo.

Sa datos ng DoH, naitala ang 15 dengue (mosquito-borne disease) cases na ikinamatay ng mga biktima simula noong Enero 1 hanggang sa katapusan ng buwan at may 3,000 kaso ang naimonitor nitong taon.

Pinayuhan ni DoH Regional Director Annabelle Yumang ang publiko na gawin ang 4 o’clock habit o paglilinis sa paligid tuwing hapon upang puksain ang mga lamok na may dalang dengue at nangingitlog sa mga lugar na pinopondohan ng maruming tubig.

Naitala ng DoH ang mga namatay na anim mula sa Davao City, apat mula sa Island Garden City of Samal (Igacos), isa sa Don Marcelino sa Davao Occidental, isa sa Kiblawan, Davao del Sur at isa sa Lupon, Davao Oriental at isa sa New Bataan at sa Tagum City sa Davao del Norte.

Ayon sa DoH mas mataas ang nasabing datos kumpara sa nakalipas na taon kung saan nasa siyam ang namatay.

Simula Enero 1 hanggang Hulyo nasa 3,495 ang mga dinapuan ng dengue kumpara sa 1,970 na bilang sa magkaparehong buwan sa nakaraang taon.

Ang Davao City ay may pinakamataas na bilang ng dengue nitong taon na aabot sa 1,630 at sinundan ngCompostela Valley sa bilang na 701 at Davao Oriental na may 562 kaso.
Nakapagtala rin ang Davao del Norte ng 464 kaso, Davao del Sur 114, at Davao Occidental na 24 kaso.

Ayon sa DoH, ang dengue ay nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng lamok na may dalang Aedes aegypti at Aedes albopictus.

Nangingitlog umano ang mga lamok na ito sa mga container na may lamang tubig, botelya, basurahan, goma, at iba pang lugar na may tubig.

Nangangagat ang mga lamok na ito dalawang oras bago sisikat ang araw at dalawang oras din bago ang paglubog ng araw.

Una nang nagdeklara ang lokal na gobyerno ng Igacos ng state of calamity matapos ang pagtaas ng kaso ng dengue sa kanilang lugar na umabot sa 249 kaso simula Enero hanggang Hunyo.

Napag-alaman na dumagsa rin ang mga pasyente ng dengue sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) nitong lungsod ngunit wala pa namang deklarasyon ng dengue outbreak sa lugar.

Iminungkahi rin ng DoH na magpatingin agad sa doktor o lumapit sa mga Municipal Health Center kung magkakaroon ng pabalik-balik na lagnat.

297

Related posts

Leave a Comment