MAHIGIT 400 PASAHERO STRANDED, 11K RESIDENTE INILIKAS SA QUEZON

MAHIGIT 400 katao ang na-stranded sa mga pantalan at 11,000 residente ang lumikas sa iba’t ibang bahagi ng Quezon Province dahil sa pagbaha at malakas na ulan dulot ng Bagyong Kristine.

Ayon kay Gobernador Helen Tan ng Quezon Province, umabot sa 477 katao ang na-stranded sa mga pantalan katulad sa Dalahican, Infanta, Real, Atimonan, San Andres, at Gumaca.

Siniguro ng lokal na pamahalaan na sila ay nasa maayos na kalagayan at nabigyan ng sapat na pagkain at lugar para pansamantalang manatili.

Dagdag pa ni Tan, patuloy ang paglilinis sa mga daan gaya ng San Narciso Road matapos ang nangyaring landslide.

Samantala, hinihintay pa rin na humupa ang baha sa Catanuan para madaanang muli ang lugar, dahil umabot ng apat na metro ang lalim ng tubig-baha roon.

Ang bayan ng Tagkawayan ay kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity. Tinataya ng lokal na pamahalaan na 30% ng mga barangay at sektor ng agrikultura ang maaaring napinsala. Bagama’t hindi pa tukoy ang kabuuang pinsala at bilang ng posibleng mga nasawi, iniulat na naging prayoridad ang pagtugon sa evacuees. (NILOU DEL CARMEN)

9

Related posts

Leave a Comment