MARTIAL LAW SA NEGROS ORIENTAL PINAG-AARALAN NA NI DU30

martial law

(NI BETH JULIAN)

IKINOKONSIDERA na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng Martial Law sa Negros Oriental.

Sa press briefing  kanina sa Malacanang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagkausap sila Miyerkoles ng gabi ng Pangulo kung saan isa lamang ito sa sinasabi ng Pangulo na bahagi ng ipatutupad niyang emergency powers para mapigilan ang patuloy pamemerhuwisyo at paghahasik ng karahasan ng NPA sa lalawigan.

Ayon kay Panelo, kung sakali ay posibleng hiwalay na deklarasyon ito ng ML at walang lalabagin na probisyon sa Saligang Batas.

Sinabi ni Panelo na sa tantiya ni Duterte, mukhang hindi kakayanin ng dagdag na puwersa ng PNP ang tuluyang pagsawata ng mga pag-atake ng NPA.

Sa ngayon ay umiiral pa rin ang ML sa buong Mindanao region.

Kinontra naman ni Panelo ang obserbasyon ng ilan na tila hindi naman epektibo ang ML dahil patuloy pa rin nakalulusot ang mga insidente ng pag-atake ng mga grupong terorista sa ilang bahagi ng Mindanao at ang karahasan ng mga rebeldeng komunista.

Ayon kay Panelo, kung hindi epektibo ang ML sa Mindanao, mismong mga residente na sana ang magrereklamo.

Pero sa ngayon ay mas gusto ng mga residente sa Mindanao ang pagpapairal ng ML dahil ligtas ang kanilang pakiramdam laban sa banta sa seguridad.

 

156

Related posts

Leave a Comment