(NI JG TUMBADO)
INARESTO ng mga otoridad ang isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dahil umano sa pag-iingat ng mga ilegal na armas sa Imus City, Cavite.
Si Renante Gamara ang dating kalihim ng Metro Manila Regional Party of the Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NPA). Siya ang ika-limang peace consultant na dinakip sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Maliban kay Gamara, dinakip din ang kasama nitong si Arturo Joseph Balagat, retiradong pari mula sa Diocese of San Bernardino sa California. Si Balagat umano ang namumuno sa Social Concern Multipurpose Cooperative.
Una rito, ikinasa ng magkasanib puwersa ng pulisya at Armed Forces of the Philippines ang pagsalakay sa sinasabing underground safehouse nina Gamara at Balagat sa Barangay Poblacion II-A, Martes ng hapon.
Layon nito na maisilbi kay Gamara ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Cynthia Marino-Ricablanca ng Branch 27 sa Sta. Cruz, Laguna.
Narekober ng mga otoridad ang dalawang hand grenade at .9-mm caliber gun. Nasamsam din nila ang P90,000 cash at mga subersibong dokumento.
Una nang naaresto sa Las Pinas City si Gamara noong 2012 pero pinalaya nang makilahok sa peace talks sa Oslo, Norway noong 2016.
Nahaharap ngayon si Gamara mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition at sa Omnibus Election Code.
307