(NI DONDON DINOY)
DAVAO CITY–Aabot sa P2-bilyon ang pondong hinihingi ng Department of Education (DepEd) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maipagawa ang mga paaralang nasira sa tatlong malakas na lindol noong Oktubre.
Sa datos ng DepEd 11, aabot sa 1,119 classrooms ang nasira sa lindol mula sa 344 na paaralan.
Ayon kay Dodong Atillo, tagapagsalita ng DepEd-11, wala silang pondo upang maipagawa ang mga nasirang istruktura dahil sa laki ng pinsala.
Kinakailangan umano na magmula sa DepEd Central Office ang pondong kailangan sa pagsasaayos nito.
Dagdag ng opisyal na balik normal na ang klase sa 10 paaralan sa lungsod matapos mainspeksyon na wala itong depekto.
Samantala, sinabi ni Dean Ortiz, spokesperson ng DPWH-11, nagpadala na sila ng budget request sa central office upang humingi ng P2-bilyon na pondo.
Sa Davao del Sur, nakagawa na ng mga makeshift classrooms ang mga paaralan mula sa mga donasyon at tulong ng lokal na pamahalaan.
139