(Ni: NELSON S. BADILLA)
IDINIIN ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) chief na Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa na labag sa batas na palabasin ng The Chief Directorial Staff (TCDS) ang kahit sinong bilanggo, kabilang si Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog, mula sa kulungan ng pambansang pulisya nang walang utos ang korte.
Ayon kay Gamboa, wala siyang pinayagang makalabas o makaalis ng PNP – Custodial Center (PNP – CC) noong siya pa ang TCDS nang walang utos ang korte, sapagkat tahasang paglabag ito sa ‘rules of court’.
Ito ang isinagot ni Gamboa nang tanungin sa nakalipas na press briefing kung ano ang kanyang aksyon hinggil sa pagpapalabas kay VM Parojinog mula sa PNP – CC noong Nobyembre 12,2018 nang walang utos ang Quezon City Regional Trial Court (QC – RTC).
Sinabi pa ni Gamboa, walang kapangyarihan ang custodial officer hinggil sa pamamalakad at operasyon ng PNP – CC, kundi ang TCDS subalit hindi niya diretsahang binanggit ang pangalan ni Police/Lieutenant General Camilio Prancatius Cascolan, ngunit ang huli ang binabanggit dahil siya ang TCDS nang pinalabas si VM Parojinog nang walang utos ang QC – RTC.
Si Parojinog ay nanatiling nakakulong sa PNP – CC simula noong Hulyo 2017 habang linilitis ang mga kasong kriminal tungkol sa ilegal na droga at ilegal nap ag-iingat ng mga baril, Nakalabas at nakarating si Parojinog sa bilangguan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig kung saan nadalaw niya ang kanyang kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. na naaresto kasabay ng una.
Noong 2018 pa ang anomalya sa pagpapalabas kay Parojinog, ngunit nabisto ang pambabastos sa QC – RTC Branch 228 nang mabatid ni Judge Mitushealla Manzanero- Casiño noon lamang Disyembre 2019.
Dahil dito, pinapaliwanag ni Casiño ang hepe ng PNP – CC at mga abogado ni VM Parojinog sa ilegal na pagpapalabas sa nasabing bilanggo.
183