SANGGOL DINUKOT SA OSPITAL, SUSPEK HULI

BULACAN – Arestado ang isang babae makaraang tangayin ang bagong silang na sanggol nang salisihan ang ina na pumasok sa comfort room sa ward section ng Rogaciano Mercado Hospital sa Barangay Poblacion sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigang ito, nitong Lunes.

Sa report na isinumite kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), kinilala ang suspek na si Ma. Sherlyn Salac y Payungayong, residente sa nasabing bayan at nakapiit na dahil sa kinakaharap na kasong abduction.

Ayon sa imbestigasyon, makaraang manganak ang ginang ay nagtungo ito sa CR ng ospital at iniwan ang kanyang anak ngunit sumalisi ang suspek at tinangay ang sanggol.

Paglabas ng ina ay nakita ang suspek habang bitbit ang sanggol kaya mabilis na humingi ng tulong sa gwardya na siyang nag-report sa pulisya.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad ay nadakip ang suspek habang bitbit ang sanggol.

Nabawi ng mga awtoridad ang sanggol mula sa suspek na patuloy na iniimbestigahan kung ano ang plano sa dinukot na biktima. (GINA BORLONGAN)

 

 

188

Related posts

Leave a Comment