SANGGOL ISINILANG SA ISOLATION FACILITY

DAVAO del Sur – Naging viral sa social media ang pagsilang ng isang ina sa kanyang malusog na babaeng sanggol sa loob ng Barangay Isolation Unit ng Brgy. Dalawinon, sa bayan ng Magsaysay sa lalawigang ito, noong Huwebes, Agosto 20.

Sa isang larawang kuha ni Barangay Kagawad Zaldy Bueno, na nai-post sa kanyang Facebook account, makikitang ligtas na naisilang ang sanggol ng isang 20-anyos na ina.
Mismong si Bueno ang tumawag sa Municipal Health Office (MHO) upang agad ipaalam ang nakatakdang panganganak ng pasyente.

Agad na tinugunan ng nurse mula sa MHO na si Jean Bismanos Montecillo, ang pagpapaanak sa ginang kaya ligtas na nailuwal ang sanggol.

Napag-alaman na ipinasok sa isolation unit ang ginang makaraang makauwi mula sa Davao City.

Hindi naman nito inakala na sa loob ng quarantine facility niya isisilang ang kanyang pangalawang anak dahil pinagsabihan ito ng kanyang doktor na sa Setyembre niya iluluwal ang sanggol.Agad dinala sa birthing facility ng MHO ang mag-ina upang mabigyan ng maayos serbisyo at tiyaking ligtas ang kanilang kalagayan.

Habang umabot naman sa 63 shares ang larawang naka-post sa social media at may isang libong comments na nitong Sabado ng umaga. (DONDON DINOY)

112

Related posts

Leave a Comment