(NI DAHLIA ANIN)
KASUNOD ng trahedya sa Iloilo Strait noong nakaraang Linggo, ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagsibak sa puwesto ng ilang opisyal ng Maritime Industry Authority (Marina) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Western Visayas.
“I want them immediately relieve from their post so we can give way to a more thorough and impartial investigtion,”ayon kay Tugade sa kanyang pagbisita sa Guimaras nitong Miyerkoles.
Tinitiyak niyang sasampahan ng kaukulang kaso ang mga opisyal kung mapatutunayan na may pagkukulang sila sa pangyayari.
Kabilang sa sisibakin ang apat na opisyal ng PCG, kasama ang station commander ng Iloilo at Guimaras maging ang Regional Director ng Marina sa Western Visayas.
Ibinigay ni Tugade ang direktiba kina PCG Commandant Elson Hermogino at Marina OIC Administrator Narciso Vingson Jr., na pareho niyang kasama sa Guimaras upang personal na makiramay sa pamilya ng mga namatay sa trahedyang ito.
Kaugnay nito ay pinabibilis ng kalihim sa Marina ang pagbibigay ng permit sa mga roll on/roll off (RoRo) fast craft vessel na may biyaheng Guimaras-Iloilo.
Handa ring magbigay ng tulong ang ahensya sa mga kwalipikadong pamilya ng mga biktima sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga ito sa PCG, PPA at Marina.
Binigyang diin ng kalihim ang modernasisyon sa mga bangka upang maiwasan na ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
133