DAVAO City – Ipinatupad ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang strict protocol sa muling pagbubukas ng commercial flights dito sa lungsod simula nitong Lunes.
Isang flight lamang kada araw ang darating at aalis mula sa Davao International Airport.
Ayon sa CAAP, hindi lalagpas sa 350 pasahero ang sasakay sa eroplano at isasailalim sa strict health screening upang masigurong hindi madadagdagan ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nagsagawa rin ng dry run ang mga opisyal ng CAAP noong Biyernes kung saan ipinakita ang ipatutupad na mga alituntunin kabilang dito ang pagdaan ng mga pasahero sa Epidemic Protection System (EPS), sanitation at thermal scanner.
Sisiguraduhin muna na walang lagnat ang pasahero bago tuluyang makapasok sa paliparan.
Kung sakaling nasa 38-degree celsius ang body temperature ng indibidwal, tutunog ang alarma ng thermal scanner at agad dadalhin ang pasahero sa isolation facility.
Isa-isang ilalagay ng mga pasahero ang kanilang bagahe sa scanner at nasa isang metro ang layo nito sa isa’t-isa.
Nilagyan ng markings ang sahig ng airport kung saan maaring tumayo ang pasahero habang nakapila sa check-in counter upang masunod ang social distancing.
Dapat din na 4 seats apart ang pag-upo ng mga pasahero sa pagpasok nila sa gate lounge.
Araw-araw na magsasagawa ng disinfection sa paliparan upang masiguro na ligtas sa COVID-19.
Sinabi ni Alex Suarez, ang terminal supervisor ng CAAP-Davao, ang lahat ng arrival passengers ay iho-hold muna sa international lounge at hahatiin ang pagpapalabas sa kanila mula sa airport.
Napag-alaman na apat katao lamang ang maaring ma-accommodate sa isolation facility ng paliparan ngunit ayon sa CAAP, nangako ang lokal na gobyerno ng lungsod na magdadagdag ng isa pa.
Sa kasalukuyan, domestic flights pa lang ang pinahintulutan sa airport ngunit inaasahan na sa Hunyo 22 ay maari nang makapasok ang mga international flights sa lungsod. (DONDON DINOY)
