HAWAK na ng Sultan Kudarat PNP ang sinasabing prime suspect at isa sa tatlong armadong kalalakihan na walang awang namaril sa isang pamilya na ikinamatay ng apat katao kabilang ang dalawang menor de edad, sa bayan ng Lebak sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Kasalukuyang nakakulong sa Lebak Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si Dinder Saludin Racman, 31, residente ng Sitio Tuka, Barangay Datu Karon, Lebak, Sultan Kudarat.
Sa pakikipag-ugnayan ng 57th Infantry Battalion, Philippine Army,
sumuko ang suspek kay Uztads Wahad Hussien, MILF-CCCH (Moro Islamic Liberation Front – Coordinating Committee on the Cessation of
Hostilities at itinurn-over sa Lebak Municipal Police Station (MPS).
Ayon kay kay Lt. Col. Jon Pondanera, Brigade Commander ng Army 57th Infantry Battalion, bunsod ng matinding pressure na ginawa ng
Philippine Army, MILF-CCH, Lebak MPS at Lebak-local government unit ay nagpasyang sumuko si Racaman.
Subalit itinanggi ni Racman na kasama siya sa mga pumatay sa apat na biktima at sa halip ay itinuro nito ang dalawang kasamahan na agad
tumakas matapos ang krimen sakay ng kanyang bangka na target na ng manhunt operation.
Magugunitang apat na miyembro ng pamilya Capiceño ang namatay na kinabibilangan ng mag-asawa at dalawang apo nito nang pagbabarilin sa area na sakop ng MILF 104th Base Command Community na ngayon ay mayroon nang mahigpit na seguridad.
Hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril dahil ayaw akuin ng sumukong suspek ang krimen.
Kasalukuyan namang nahaharap sa kasong multiple murder at paglabag sa Sec. 3 par. (2) ng Presidential Decree 1613 o Crime of Arson na walang inirekomendang piyansa, ang suspek. (JESSE KABEL)
85