TRIKE DRIVER GUMANTI NG PUTOK, GUNMAN PATAY

CAVITE – Patay ang isang gunman habang sugatan ang tricycle driver nang gumanti ng putok ang huli matapos siyang pagbabarilin sa bayan ng Silang sa lalawigan noong Martes ng gabi.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na namatay sa pinangyarihan ng insidente habang pinaghahanap pa ang kasamahan nito matapos na tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Nilalapatan naman ng lunas sa Velasco Hospital ang biktimang si Angelito Delos Santos Alfonso, nasa hustong edad, dahil sa tama ng bala sa katawan.

Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Brgy. Balite 1st, Silang, Cavite patungo sa direksyon ng Silang town proper habang nakasunod sa kanya ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo bandang alas-11:40 ng gabi.

Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, walang sabi-sabing pinaputukan ng ‘di nabatid na kalibre ng baril ng backrider ang biktima.

Bagama’t may tama ang biktima, bumaba ito sa kanyang motorsiklo at tinangkang tumakas subalit sinundan siya ng mga suspek at muling pinaputukan.

Inilabas naman ng biktima ang dala niyang baril at pinaputukan ang backrider na nagresulta sa agaran nitong kamatayan habang ang kasama nito ay tumakas.

Inaalam pa kung ano ang motibo sa pamamaril at kung may dokumento ang baril na ginamit ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)

33

Related posts

Leave a Comment