PROBLEMANG DADATNAN

PAGSAPIT ng impunto alas-12:00 ng tanghali sa Huwebes, ganap nang isasalin kay ­incoming President Ferdinand Marcos Jr. ang baton na siyang hudyat ng panunungkulan ng bagong liderato.

Subalit sa halip na pagdiriwang, mas angkop yatang kataga ang problemado para ilarawan ang matinding hamon sa susunod na pangulo.

Bakit kamo? Bukod sa tumataginting na P12.7-trilyong pagkakautang ng bansa, simot-sarap na rin ang kaban ng bayan. Sumabay pa ang lintek na pagdami ng kumpirmadong kaso ng mga positibo sa COVID-19, ang walang puknat na dagdag-presyo sa mga produktong ­petrolyo, manipis na supply ng kuryente, mababang produksyon ng pagkain, kawalan ng hanapbuhay, ilegal na droga, kriminalidad, katiwalian at iba pa.

Sa usapin ng lugmok na ekonomiya, isang alok ang ipinaabot ng bansang Tsina. Anila, pwede tayo mangutang sa kanila – kahit magkano at ano mang oras natin gusto.

Dito pumapasok ang pangamba ng bayan lalo pa’t kilala ang bansang Tsina sa pagiging wais. Patunay nito ay ang ginawang pananakop ng Tsina sa ating malawak at mayamang karagatan kapalit ng konting bakunang lunas sa sakit na sa kanilang bansa ang pinagmulan.

Ang tanong – ano na naman kaya ang interes ng Tsina sa alok na pautang? Ang totoo, makailang ulit nang nagbabala ang mga eksperto sa larangan ng ekonomiya. Aniya, patibong ng Tsina ang pagpapautang sa tuwing mayroon silang nakursunadahan.

Kamakailan lamang, inamin mismo ni ­Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang ­pagbabasura ng gobyerno sa planong joint oil exploration ng Pilipinas at Tsina. Batid marahil ng paretirong pangulo ang kagulangan ng mga Tsino, kaya naman ang kanyang pasya, ibasura ang planong tayo mismo ang dehado.

Kung pagbabatayan ang polisiya ng susunod na pangulo, pihadong batid ng Tsina na hindi na sila VIP tulad ng trato sa kanila ng paretirong ­pangulo. Sa puntong ito, kailangan na nilang gumawa ng paraan para ang kanilang interes sa bansa ay kanilang maprotektahan.

Ang modus – ibabaon muna tayo sa utang saka tayo babawian nang bonggang-bongga, sukdulang isuko na lang natin ang kanilang target sa West Philippine Sea.

Ang siste, lulusot ba sila kay Marcos Jr., na una nang nagsabing hindi niya pahihintulutan ang sino mang pumilas maski isang metro kwadrado ng ating teritoryo.

175

Related posts

Leave a Comment