ISUSULONG ni senatorial candidate Erwin Tulfo ang batas na naglalayong sagutin na rin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang professional fees ng mga doktor.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na ang professional fees ang isa sa mga laging problema ng mga pasyente kapag lalabas na ng ospital.
Aniya, “ang PhilHealth kasi, ang sasagutin lang ay yung mga gamot at room charge ng pasyente.”
“Iyong ayuda naman na nakukuha ng mga mahihirap nating kababayan mula sa medical assistance sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) o kaya sa Departmentof Health (DOH) ay pambayad lang din sa mga bayarin sa pagpapagamot sa ospital at mga gamot na hindi sagot ng PhilHealth,” dagdag ni Cong. Tulfo.
Kaya hindi rin aniya mailalabas ang pasyente sa mismong araw dahil sa kawalan ng pambayad sa professional fees ng mga doktor o espesyalista.
Ihahain niya ang nasabing panukalang batas pagbalik ng sesyon sa Kongreso sa Hunyo 2.
