PROGRESO SA SEKTOR NG ENERHIYA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MARAMI pang kailangang gawin para makamtan ang energy security sa bansa, kaya naman talagang dapat suportahan ang lahat ng mga proyektong makatutulong dito.

Hanggang ngayon kasi, pagsubok pa rin ang kasapatan ng suplay ng kuryente. Kagaya na lamang nitong nakaraang tag-init kung kailan maraming bahagi ng bansa ang nakaranas ng rotating brownouts — dahil sa kakulangan ng suplay na sumabay pa sa matinding init at pagsipa ng konsumo dahil sa El Niño.

Malinaw na indikasyon ito na hindi tayo handa sa tumitinding epekto ng climate change. Kailangan pa natin talagang dagdagan ang kapasidad ng sektor ng enerhiya upang masuportahan ang lumalaking pangangailangan sa suplay at reserba na magsisigurong hindi na magkakaroon ng pagkaantala sa serbisyo ng kuryente.

Mahalaga ang progreso sa energy projects, kagaya na lamang nitong pagtutulungan ng Meralco PowerGen (MGEN), AboitizPower, at San Miguel Global Power (SMGP) para sa operasyon ng integrated liquefied natural gas (LNG) facility sa Batangas.

Inaprubahan ng Philippine Competition Commission o PCC kamakailan ang transaksyon sa pagitan ng tatlong kumpanya na isang mahalagang hakbang para sa sektor ng enerhiya ng Pilipinas. Hindi lamang ito tungkol sa imprastruktura— importante ito sa pagtitiyak ng seguridad sa enerhiya ng bansa at ang transparent at consumer-friendly na industriya.

Nasa kritikal na yugto ang Pilipinas kung saan mabilis na tumataas ang pangangailangan para sa enerhiya kasabay ng paglago ng ekonomiya. Kaya talagang makatutulong ang progreso ng proyektong ito sa pagsiguro ng sapat at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente.

Nagpapakita rin ang pagsasanib-pwersa ng MGEN, AboitizPower at SMGP ng kahalagahan ng LNG bilang maaasahang pinagkukunan ng enerhiya na maaaring magsilbing alternatibo sa coal plants. Kapag mayroong sapat at maaasahang suplay, makatutulong din ito sa pagpapababa ng presyo ng kuryente sa hinaharap.

Nagpapakita rin ang pag-apruba ng PCC sa transaksyon ng balanseng approach sa pamumuhunan para sa ekonomiya at pagsiguro ng pagkakaroon ng kompetisyon sa merkado.

Sa pamamagitan ng pag-obliga sa transparent na Competitive Selection Process (CSP) at pagtiyak ng independent na operasyon ng mga kumpanya, sinisiguro ng PCC na walang sinoman ang maghahari sa merkado o magkakaroon ng hindi patas na impluwensya sa pagpepresyo.

Mahalaga rin ang mga inilagay na safeguard ng PCC tulad ng paghihiwalay ng IT systems, independent boards, at mahigpit na pagsumite ng ulat ukol sa hindi planadong outages. Nagpapakita ito ng dedikasyon sa pagpapanatili ng integridad ng merkado habang patuloy na umuunlad ang sektor ng enerhiya.

Isa pang kapuri-puring aspeto ng transaksyon ang pagbibigay-diin sa transparency at pananagutan. Ang pag-obliga sa mga entidad na magsumite ng ulat ukol sa outages at pag-align ng operasyon sa competition policies ay nagpapalakas ng tiwala ng mga stakeholder. Hindi lamang ito kapaki-pakinabang sa mga regulator kundi pati na rin sa mga konsyumer, na nagkakaroon ng kasiguraduhan na ang kanilang interes ang inuuna.

Nagbibigay rin ng malinaw na pamantayan para sa mga kaparehong transaksyon sa hinaharap ang pagtalaga ng competition compliance officers dahil nagpapakita ito ng pag-ayon ng sektor ng enerhiya sa global best practices.

Dagdag pa rito, ipinakikita rin ng MGEN, AboitizPower, at SMGP ang kakayahan ng pribadong sektor na magpatupad ng konkretong proyekto na malaki ang magiging kontribusyon para matugunan ang hamon sa enerhiya ng bansa

Dala nito ang malakas na mensahe sa mga mamumuhunan na seryoso ang Pilipinas sa pagbibigay ng balanse sa pagitan ng kompetisyon at kritikal na imprastruktura.

At pinakamahalaga sa lahat, tinitiyak nito na ang mga Pilipinong konsyumer ang makikinabang sa matatag, abot-kaya, at napapanatiling enerhiya.

Isa itong mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng pundasyon para sa kinabukasan ng enerhiya ng bansa. Sa pagtataguyod ng kooperasyon, kompetisyon, at transparency, binubuksan ng proyektong ito ang daan para sa isang mas matatag, napapanatili, at consumer-focused na sektor ng enerhiya.

40

Related posts

Leave a Comment