HABANG patungo ang bansa sa promosyon ng sustainable transportation pagkatapos ng COVID-19, nakita ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang pangangailangan sa paglalatag ng mahusay na patakaran at regulatory framework sa paggamit ng electric vehicles (EVs) at sustainability ng e- vehicle ecosystem.
Sa pahayag, iginiit ng chairman ng Senate committee on energy na kailangan maging handa ang gobyerno sa mga patakaran at imprastruktura nito bago maging popular ang e-vehicle sa bansa.
Gamit ang 2019 data ng Bloomberg New Energy Finance, naniniwala si Gatchalian na magiging kapantay ang presyo ng EVs sa traditional internal combustion engine (ICE) vehicles pagsapit ng 2024 habang pamura nang pamura ang halaga ng baterya.
“We have to make sure that we have the right policies, the right infrastructure, and the right incentives so we will be ready to roll out the EVs in a big way,” aniya.
Ayon sa mambabatas, sinuportahan ng Senate Bill No. 1382 o ang Electric Vehicles and Charging Station Act, na kanyang inawtor at inakda, ang transisyon sa bagong teknolohiya, layunin na lumikha ng trabaho, at makahimok ng pamuhunan upang lumago bilang kakumpetensiya sa buong mundo.
Habang ipinakikita ng COVID-19 na mahalaga ang epektibong pampublikong sasakyan upang mapanatiling tumatakbo ang mga lungsod at dinagukan ng quarantine ang public transport system ng bansa, sinabi ni Gatchalian na sa pangmatagalan, isa ang public transport sa pamuhunan na madaling makalikha ng trabaho habang binabawasan ang carbon emission at pagbabago sa pamamaraan ng mamamayan sa pagpasok sa trabaho.
Sinabi ni Gatchalian na kasalukuyang nasa yugto ng interpelasyon ang panukala sa Senado at kapag naisabatas ito at naipatupad nang tama, nagtitiwala ang senador na mababawasan ang pagsandig ng bansa sa langis at makatitipid ng P297.92 bilyon sa halaga ng taunang inaangkat na langis. (ESTONG REYES)
