PROMOSYON NG HIGIT 16K GURO PINURI NG CIVIC LEADER

NAI-PROMOTE ang mahigit 16,000 guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd), isang hakbang na iniuugnay ng isang civic leader sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na resolbahin ang matagal nang backlog sa teacher promotions.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang promosyon ay resulta ng konkretong aksyon ng pamahalaan at hindi lamang ng mga pangako. “May malinaw na desisyon ang pamahalaan na ayusin ang matagal nang hindi naaayos,” aniya.

Sinabi pa ni Goitia na naging mahalaga ang papel ng DepEd sa implementasyon ng direktiba, partikular ang pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, na tumutok umano sa maayos na paglalaan ng pondo at pagpapabilis ng mga proseso sa loob ng ahensya.

“Kapag malinaw ang direksyon at magkakasabay kumikilos ang pamahalaan, kusang umuusad ang reporma,” dagdag ni Goitia.

Ayon sa DepEd, ang promosyon ay bahagi ng pagsisikap na alisin ang backlog at kilalanin ang serbisyo ng mga guro. Para kay Goitia, ang hakbang ay mahalaga hindi lamang sa usapin ng ranggo at sahod kundi bilang pagkilala sa papel ng mga guro sa pampublikong edukasyon.

“Hindi magiging seryoso ang anomang reporma sa edukasyon kung napapabayaan ang mga guro,” ani Goitia.

Dagdag pa niya, bagama’t hindi ito naging sentro ng malawak na publisidad, ang epekto ng promosyon ay inaasahang mararamdaman sa mga paaralan sa buong bansa.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng ilang civic-oriented organizations, kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

50

Related posts

Leave a Comment