PROPERTIES NG ILANG CHINESE SA PINAS KATAS NG DRUG MONEY

MAY ‘creeping invasion” ang mga Chinese national sa Pilipinas na namamakyaw ng mga lupain at ari-arian sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang Filipino dummies, gamit ang drug at laundered money.

Ito ang dahilan kaya pinakilos ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers ang gobyerno partikular na ang intelligence at law enforcement agencies para usisain ang nakuha niyang report.

Natuklasan ang creeping invasion na ito habang iniimbestigahan ng komite ang nakumpiskang 560 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion sa isang bodega na pag-aari ng isang Willy Ong sa Mexico, Pampanga noong Setyembre 2023.

Inutos ng komite sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na tugisin si Ong subalit blangko umano ang mga nabanggit na ahensya sa tunay na pagkakakilanlan ng suspek.

Base sa record na nakuha ng komite, si Ong ay may kumpanyang Empire 999 na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), may mga gasolinahan at nakabili ng mahigit apat na ektaryang lupain sa Pampanga gamit ang Filipino dummies.

“Mr. Ong, based on documents we have on hand, has a UMID (Unified Multi-purpose) ID Card and a drivers’ license issued by the Land Transportation Office and used an address in Nueva Ecija. But the NBI and the PNP, despite weeks of search, could not locate him in his given address,” ani Barbers.

Naglalaman ng mga impormasyon tulad ng unique ID number, biometric data at iba pang personal na pagkakakilanlan ng isang tao ang mga ID subalit nakapagtatakang hindi matagpuan si Ong.
“May mga natatanggap tayong reports na hindi lang sa Pampanga merong buying spree ng lupa at properties ang ibang Chinese nationals tulad ni Willy Ong na umano’y gumamit ng fake credentials, kumuha ng government-issued IDs, at nagparehistro ng kanilang mga negosyo sa SEC, Department of Trade and Industry at mga local government units, gamit ang kanilang mga bayarang Filipino dummies,” pagsisiwalat ni Barbers.

“Dapat din tingnan ng ating pamahalaan na ang nangyari na ito sa Mexico, Pampanga ay hindi isolated case. Mangyayari o nangyari na ito sa lugar ng Palawan, Bulacan, Zambales, sa Davao at iba pa. Baka magising na lang tayo isang umaga at malaman na marami nang lugar sa ating bansa ay nabili at pag-aari na ng mga Chinese national,” dagdag pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

272

Related posts

Leave a Comment