KATUWANG si Senador Mark Villar sa pagsusulong ng Senate Bill No. 1917 o ang overseas Filipino Workers Remittance Protection Act bilang pagkilala sa napakahalagang ambag ng mga OFW sa bansa.
Sa talumpati ng senador, binigyang-diin niya ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas. Noong 2025 lamang, umabot sa rekord na $35.63 bilyon ang remittances, na katumbas ng humigit-kumulang 7.3% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
“Dahil sa mahalagang ambag na ito ng mga OFW sa ating ekonomiya, kinakailangang tiyakin natin ang proteksyon ng kanilang pinaghirapang kita upang masiguro rin ang kanilang seguridad sa pananalapi,” diin ni Villar.
Layunin ng panukalang batas na pangalagaan ang pinaghirapang pera ng mahigit 10 milyong Pilipinong nasa ibayong-dagat sa pamamagitan ng regulasyon sa remittance fees, pagpapatibay ng consumer safeguards, pagpapahusay ng transparency sa foreign exchange, at pag-aatas ng financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.
“Sa pamamagitan ng mga programang ito, masisigurado natin na mabibigyang proteksyon ang mga OFW mula sa iba’t ibang financial scams at maiwasan ang maling pagpapasyang pinansyal na maaaring magbunga ng pagkawala ng kanilang mga pinaghirapan,” dagdag pa ni Villar.
Nanawagan ang senador para sa agarang pagpasa ng panukala, iginiit na ang mahalagang ambag ng mga OFW sa bansa ay nararapat tumbasan ng matibay na proteksyong institusyonal.
“Nararapat lamang na gawing ganap na batas ang proteksyon sa mga OFW at sa kanilang remittances, na patuloy na nagpapagalaw sa mga gulong ng ating pambansang agenda sa kaunlaran,” pagtatapos ni Senador Villar.
(DANNY BACOLOD)
37 