(NELSON S. BADILLA)
INIUGNAY ni dating Senador Antonio Trillanes IV kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang P6 bilyong halaga ng mga kontrata sa pamahalaan na nakuha ng tatay ng senador.
Batay sa hawak niyang mga dokumento, inakusahan ni Trillanes ng pandarambong (plunder) sina Duterte at Go.
Inihayag ng dating mambabatas na batay sa mga dokumentong hawak niya mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Commission on Audit (COA), nakakuha ang CLTG Builders ng 125 kontrata sa Davao City at Davao Region na P4.89 bilyon.
Nagsimula ito noong Marso 2007 hanggang Mayo 2018 kung saan pangulo si Duterte at Special Assistant to the President (SAP) si Bong Go.
Ang CLTG Builders, ayon kay Trillanes, ay pag-aari ni Desiderio Lim na tatay ni Bong Go.
Sa iba pang mga dokumentong nadiskubre ni Trillanes mula sa DTI at COA, nakasaad na nakakuha pa si Lim ng karagdagang 27 kontrata sa pamahalaan na umabot sa P3.2 bilyon ang halaga noong 2017.
Kabilang aniya sa mga nakuhang kontrata ang road widening projects na P177 milyon at P251 milyon ang halaga bawat isa sa Davao City o Rehiyong Davao.
“Ito ay maliwanag na patong-patong na kaso ng plunder na umaabot sa P6.6 billion pesos,” banggit ni Trillanes.
Idiniin ng dating mambabatas na walang ibang kahulugan ang multi bilyong kontrata, kundi “pagnanakaw ni Duterte at Bong Go sa kaban ng bayan”.
“Ito ay maliwanag na patong-patong na kaso ng plunder na umaabot sa P6.6 billion pesos,” patuloy ni Trillanes.
“Sanay na tayo diyan. Maglalabas ng akusasyon, hindi naman kayang patunayan kasi puro imbento lang ang nalalaman,” sagot naman ni Go.
179 