KUNG mayroong makikinabang sa inihain ni Sen. Imee Marcos na “President Rodrigo Roa Duterte Act”, ito ay walang iba kundi ang mga future ‘mass murderer”.
Reaksyon ito ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kaugnay ng Senate Bill (SB) 557 na inakda at inihain ni Marcos kung saan ipagbabawal ang pag-aresto at pagsuko sa isang Pilipino sa ibang bansa na walang basbas ang local court.
“PRRD Bill is a “Protection for Future Mass Murderer. A regressive and dangerous attempt to shield perpetrators of mass atrocities—most notably Duterte himself—from international accountability,” ayon sa mambabatas.
Ginawa ni Marcos ang nasabing panukala upang hindi na anya maulit ang kaso ni Duterte na inaresto at isinuko sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kinakaharap na kasong “crimes against humanity dahil sa madugong war on drugs.
Ipinaalala ng mambabatas sa Senador na kung merong dapat sisihin kung bakit walang court order para isuko si Duterte sa ICC ay walang iba kundi ang dating pangulo dahil kumalas ito sa ICC.
“Extra naman sa pagka-OA si Sen. Imee. Masyadong inaalala ang ‘extraordinary rendition,’ pero tikom bibig siya pagdating sa extrajudicial killings ni former President Duterte,” pahayag pa ni Cendaña.
“If Sen. Imee is truly concerned about ensuring justice for all, she should focus on strengthening our own judicial system and promoting respect for human rights. Para walang nang future Duterte na papatay ng libu-libong Pilipino,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa panig naman ni La Union Rep. Paolo Ortega, aabangan umano ng mga ito kung papaano pagdedebatehan sa Senado ang panukalang batas ni Marcos na aniya ay ‘nakakaintriga”.
“Kasi parang nakakaintriga eh na parang may isang tao lang na….hindi exclusive ang bill eh,” ani Ortega na hindi isinasantabi ang posibilidad na may maghahain ng kahalintulad na panukala o kontra panukala.
(BERNARD TAGUINOD)
