WALANG trabaho ang 4.2 milyong manggagawa at empleyado noong Pebrero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Tumaas ito ng 200,000 mula sa mga nawalan ng trabaho noong Enero, 2021, saad ng PSA.
Pinakamasahol na ang nasabing record ng unemployment sa bansa, banggit ng national statistician ng PSA na si Claire Dennis Mapa.
Iba pa ang 4.2 milyon sa limang milyong nawalan ng trabaho noong 2020 na inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Enero.
Ang itinurong dahilan ng PSA sa 4.2 milyong Filipino na nawalan ng trabaho ay ang patuloy na pananalasa ng COVID-19.
Ngunit mula Enero hanggang Pebrero ay hindi pa masyadong mataas ang mga kaso ng COVID-19.
Ngayon na lamang Marso nagsimulang tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, partikular sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ang ginawa ng administrasyong Duterte ay ipatupad uli ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan mula Marso 29 hanggang Abril 4 upang masawata ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19.
Dahil dito, inaasahang madadagdagan pa ang mga manggagawa at empleyado sa mga pribadong kumpanya na mawawalan ng trabaho.
Sa kabila nang paglobo ng mga nawalan ng trabaho, ibinida ni Mapa na higit na maraming Filipino ang mayroong trabaho noong Enero at Pebrero.
Noong Pebrero, pumalo sa kabuuang 43.2 milyong Filipino ang mayroong trabaho.
Idiniin niya na 1.9 milyon ang naidagdag dito mula sa 41.2 milyong walang trabaho noong Enero ng kasalukuyang taon. (NELSON S. BADILLA)
