PABOR ang ilang senador sa plano ng Department of Transportation (DoTr) na simulan nang muli ang operasyon ng ilang public transportation partikular ang mga bus at trains upang matulungan ang mga commuter.
Sinabi ni Senador Nancy Binay na sa gitna ng COVID 19 pandemic, marami pa ring tao ang kailangang mag-commute kaya’t malaking tulong kung muling mag-o-operate ang mga pampublikong transportasyon subalit kailangang sumunod sa mga protocol.
“Mahirap hanapan ng balanse ang buhay at hanapbuhay. Sa gitna ng banta ng covid, people still need to commute,” saad ni Binay. Mas makabubuti anyang i-adjust ang oras ng trabao ng mahahalagang negosyo at industriya upang mabago rin ang oras ng pagko-commute at dapat din anyang maglaan ang DoTr ng mas malaking espasyo para sa bike lanes upang mahikayat ang iba na gumamit ng ibang opsyon tulad ng bike.
“Buses and trains are a perfect environment for droplet-spread diseases, and are considered infection hotspots. Kaya isang malaking challenge ang physical distancing sa loob ng bus o tren kapag may umubo o bumahing. Kahit saan ka nakapwesto, di maiwasan na magkahawaan simply because surfaces in any public transport setting are most likely to harbor bacteria and virus,” paliwanag pa nito.
Maganda rin anyang samantalahin ng DoTr ang quarantine upang ayusin ang lahat ng mga tren.
Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva na dapat ipatupad ang mahigpit na safety and health protocols sa mga public transportation at magsagawa ng lingguhang random testing sa mga driver.
Sinabi naman ni Senador Kiko Pangilinan na dapat palawakin na ang mass testing at gamitin lamang ang public transport sa mga nangangailangan nito tulad ng health workers at mga manggagawa sa ilang kailangang industriya. (Dang Samson-Garcia)
